UPLB: Tula ni Prof. Emmanuel V. Dumlao tungkol sa Patuloy na Paninikil ng UPLB Admin sa mga estudyante at guro

Posted on February 14, 2010

0


BUKAS NA LIHAM KAY LUNTIAN

Emmanuel V. Dumlao

(Babasahin ko sana kanina sa Palaso: Tinta at Tudla sa Bisig ng Talinghaga, poetry reading na inorganisa ng Kabataan Partylist. Habang iniintay ko ang organisador ng “Palaso”, ibinalita sa akin na iniatras na raw ang suspensyon ng mga myembro ng UPLB Student Council.)

Noong nakaraang Linggo, maaga kang umalis ng bahay bitbit ang ating martilyo at lagare. Nagpaalam kang gagawin nyo ang balangkas na pagkakabitan ng tarpaulin ng inyong org, pero dahil wala pa kayong kahoy, sabi mo’y hahanap pa kayo ng bukas na hardware. Inumaga ka na sa kompyuter noon, tinapos mo ang disenyo ng inyong ad. Bago ‘yon, madalas ka ring gabihin sa pag-uwi, abalang abala kayo sa paghahanda para sa FebFair. Alam kong puyat at pagod ka pero bakas naman sa mukha mo ang saya sa iyong ginagawa.

Kahapon nalaman ko na lamang na ang resulta ng inyong pagpapagod ay 30 araw na suspensyon, na katumbas ng humigit-kumulang sa walong beses na pagliban sa klase; at samakatuwid ay gradong 5.0 o DRP. Suma-total, balewala na ang buong semestreng ito.

Malaking epekto yan sa kabuhayan natin, kahit na nga sabihing hindi ka nagmamatrikula. Alam mo kung paano natin pilit na pinagkakasiya para sa mga gamit pang-eskuwela ninyong magkapatid at sa pang-araw-araw na pangangailangan natin sa bahay ang karampot na suweldo namin ng nanay mo.

Gayunman, kung talagang may nilabag kang batas at wala ka sa katuwiran, wala tayong magagawa; nararapat lamang na parusahan ka. Kung inilagay mo sa panganib ang buhay ng iyong kapuwa, kung nilabag mo ang karapatan ng iba, pasensya anak, hinding hindi kita kukunsintihin, hindi pagtatakpan, at lalong hinding hindi kita itatago. Iyan lamang ang maipagmamalaki ko sa iyo – kakayahang manindigan sa katuwiran at katotohanan sinuman ang masaktan. At malamang hindi na ako sisipot sa poetry reading na ito kung lumabag ka sa karapatan ng kapuwa, kung nandambong ka, kung inilagay mo sa panganib ang buhay ng iba.

Pero wala akong dapat ikahiya sa iyong ginawa dahil wala kang nilabag na batas. Nanindigan ka lamang sa iyong tungkulin at karapatan bilang bahagi ng konseho na lehitimong kinatawan ng mga kapuwa mo estudyante. Kailan naging mali ang pagkuwestyon at maging ang pagsalungat sa isang polisiyang mapanupil, sa isang desisyong sumasalungat sa diwa ng konsultasyon, sa diwa ng akademikong kalayaan, at sa demokrasyang ipinagmamalaki ng ating unibersidad. Hindi ang mga memorandum na sumusupil sa karapatan ng mga estudyante at kaguruan ang batas ng UPLB, at lalong hindi ang taong pumipirma sa mga ito.

Kung kaya binabati kita Luntian at ang mga kasamahan mo sa konseho, saludo ako sa paninindigan nyo na gampanan ang inyong tungkulin at isabuhay ang inyong mga karapatan.

Sabi ni Paulo Freire: “Ang hinaharap ay hindi isang bagay na nakakubli sa isang sulok. Ang hinaharap ay isang bagay na binubuo natin sa kasalukuyan.” Kapuri-puri ang inyong ginagawa — hindi lamang kayo naghhintay ng mamanahin ninyong kinabukasan; nakikisangkot kayo sa paglikha nito. Mabuhay kayo!

Mula sa: http://www.facebook.com/note.php?note_id=304578552345&id=612036376&ref=mf

Posted in: Large Classes, UPLB