Journalist & UP Prof. on “Ethics of Protest”

Posted on March 28, 2010

3


ETIKA NG PROTESTA

Prop. Danilo A. Arao

Mga bastos at terorista. Ganito raw ang mga hindi kagalang-galang na aktibista.

Ano pa nga ba ang matatawag mo sa mga naghahagis ng mga silya’t mesa palabas ng mga klasrum para sunugin? Ano pang termino ang gagamitin mo sa mga puwersahang nagbubukas ng kinandadong gate ng kampus?

Ang opinyong pampubliko ay nananatiling kontra sa mga aktibista: Sadyang walang karapatan ang mga galit na estudyanteng sirain ang gamit sa loob ng kanilang unibersidad. Sadyang ang mga aktibista ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Maynila ay pawang walang urbanidad!

Maraming nagsasabing tama naman ang ipinaglalaban ng mga nagpoprotestang estudyante. May karapatan daw silang umalma sa plano ng administrasyong itaas ang matrikula mula P12 papuntang P200 bawat yunit para sa ilang kurso. Kahit na apektado lang ang incoming freshmen ng PUP, ipinapakita ng mga nagpoprotestang estudyante ang pagpapahalaga nila sa kinabukasan ng kabataang mahihirap.

Sa konteksto ng kilos-protesta sa isang normal na lipunan, ang pagsasagawa ng mapayapang demonstrasyon o kahit pakikipagsigawan sa awtoridad ay tinitingnang katanggap-tanggap. Wala naman daw kasing pisikal na nasasaktan sa palitan ng kahit maaanghang na salita. Pero ibang usapin na diumano kung naninira na ng kagamitan. Dito raw nagkaroon ng malaking pagkakamali ang mga aktibista, kaya nararapat lang na parusahan sila.

Para naman sa mga aktibista ng PUP, ang argumento nila’y umabot na sa sukdulan ang kanilang pasensiya. Wala na raw silang iba pang magawa sa sitwasyong ayaw pakinggan ng administrasyon ng PUP ang hinaing nila. Kahit na sabihing labag sa batas, ano pa kaya ang kanilang opsyon para mapakinggan sila ng mga nasa kapangyarihan?

Nang dinala nila ang kanilang galit sa mismong opisina ng Commission on Higher Education (CHED) noong Marso 24, nagdesisyon ang tagapangulo ng nasabing ahensiya na hindi nito aaprubahan ang anumang pagtaas ng matrikula sa PUP at dalawa pang state universities and colleges (SUCs). Ayon sa CHED, hindi raw napapanahon ang pagtaas ng matrikula bagama’t malinaw na hindi sapat ang P12 bawat yunit para mapondohan ang kinakailangan para sa operasyon ng PUP. Bilang alternatibo, tutulong daw ang CHED sa alternatibong paraan ng pagkakalap ng pondo tulad ng pagkuha ng donasyon sa alumni.

Masasabing may pansamantalang tagumpay na nakamit ang mga nagpoprotestang estudyante ng PUP dahil sa kanilang mga mapangahas na pagkilos. Pero walang lugar para sa pagbubunyi sa puntong ito dahil may malaking posibilidad ng pagsasampa ng kaso para sa ilan sa kanila.

Sa katunayan, may inaresto nang ilang estudyante ng PUP na sinubukang ilabas ang mga silya para dalhin sa opisina ng CHED noong Marso 24. Ayon sa pulis na hiningan ng tulong ng administrasyon ng PUP, baka kasuhan ang ilang estudyante ng pagnanakaw dahil hindi sila humingi ng permiso para sa mga nasabing gamit.

Mali na kung mali, pero ano ba ang nagtulak sa mga estudyante para maging matapang at mapangahas? Madaling sisihin ang kanilang aktibismo. Hindi ba’t sa Pilipinas ay parating may kasalanan ang mga aktibista, pati na rin ang mga komunista? Sa subhetibong antas, puwede ring tukuyin ang maling pagpapalaki sa kanila bilang ugat ng kanilang diumanong pagkaligaw ng landas.

Pero may malaking kontradiksiyong hindi masyadong halata. Inaasahan ng maraming tao ang pagkakaroon ng mapayapang pagkilos ng pinagkakaitan pero hindi nakikita ang bayolenteng katangian ng mga nasa kapangyarihan. Kung susuriin nang malalim ang nangyayari sa PUP, mahaba ang listahan ng panggigipit sa mga estudyante, kasama na ang kawalan ng konsultasyon sa planong pagtataas ng matrikula.

At kung aalamin ang konteksto ng paghahagis at panununog ng mga silya’t mesa, malalamang ginawa ang mga ito bilang simbolikong pagpapakita ng literal na kabulukan ng edukasyon sa PUP. Batay sa testimoniya ng ilang lider-estudyante ng PUP, ang mga inihagis at sinunog na silya’t mesa ay mga sira na’t hindi na napapakinabangan ng mga estudyante. Matagal na raw dapat na itinapon ang mga ito pero hindi ginagawa ng administrasyon.

Nakakalungkot lang na ang midya’y hindi nagpalalim sa kontrobersiyal na puntong ito sa pag-uulat sa mga nangyayari sa PUP. Kung naisakonteksto lang at naipaliwanag ang kabulukan ng pasilidad, makikitang may malalim na dahilan ang mga estudyante para mag-alsa at ang porma ng protesta ay hindi produkto ng mga utak-pulbura. Ang mapangahas na pagkilos ay nagresulta sa bayolenteng katangian ng kinasasadlakan nila.

Paano magiging mahinahon kung hindi na nakikinig ang administrasyon at patuloy ang panggigipit? Lohikal bang pagsabihan ang mga estudyanteng patuloy na ginigipit na pahabain pa ang kanilang pasensiya?

Siguro’y kailangan din nating itanong ang mga bagay na ito sa pagsusuri sa nangyaring kilos-protesta ng mga estudyante, guro at kawani sa Quezon Hall sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman noong umaga ng Marso 24 bago ang naging pagkilos sa opisina ng CHED. Naging laman ng midya ang pagtatapon ng pintura sa Chancellor ng UP Los Baños matapos hamunin ng huli ang ilang estudyanteng batuhin siya.

May tila maliliit na bagay na naiwan sa ulat ng midya. Hindi napabalitang niyakap ng isang babaeng miyembro ng UP Police ang isang kapwa babaeng lider-estudyante na nanghina’t napaiyak sa sobrang galit sa komprontasyon niya sa UPLB Chancellor. Sa halip na arestuhin, dinala siya sa isang malilim na lugar para makapagpahinga. Pagkatapos nito’y inabutan naman ng tubig ang nasabing estudyante ng isang security aide ng mataas na opisyal ng UP. Kung ano ang pag-aalala ng kanyang mga kasama’y siya ring pag-aalaga ng mga dapat ay kaaway niya.

Kahit na may ilang maiinit na ulong nakipagsigawan sa ilang estudyante’t kawani ng UP, kapansin-pansin ang simpatiya ng ilang miyembro ng UP Police sa ipinaglalaban ng mga naroon. Sa katunayan, ang ilang pulis na inakusahan ng mga estudyanteng nanulak sa kanila ay nadala naman sa mahinahong pakiusap na mapayapa ang ginagawang pagkilos at kailangan ang kanilang maximum tolerance.

Kung sa PUP ay iisa lang ang matingkad isyu sa kasalukuyan, sa UP ay patong-patong na usapin ang kinakaharap – pagkakatanggal ng Board of Regents (BOR) sa Student Regent dahil sa isang maliit na teknikalidad; pagbawi ng BOR sa naunang appointment ng direktor ng Philippine General Hospital (PGH) at pagtatalaga ng bagong direktor na malapit sa administrasyon; planong pagpapalaki ng mga klase para dumami ang estudyante’t lumaki ang kita ng UPLB;  planong pagbubuwag sa UP Cebu High School; at planong pagtatalaga bilang UP Mindanao Chancellor ng isang kontrobersiyal na propesor. Bukod sa mga ito, hindi pa natatalakay ng BOR ang iba pang maiinit na usapin tulad ng desisyon ng UP President na i-deny angtenure appeal ng isang aktibistang propesor sa UP Diliman.

Kung alam mo ang nangyayari ngayon sa loob ng UP, maiintindihan mo ang kakaibang porma ng pagkilos ngayon ng mga estudyante, partikular ang paggamit ng paintball bilang simbolo ng protesta. Tulad ng sitwasyon sa PUP, patuloy na nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan ang administrasyon ng UP sa hinaing ng karamihan. Ang kultura ng walang pakundangan (culture of impunity) na naging bahagi ng pagpapanatili ng kasalukuyang gobyerno ng Pilipinas ay buhay na buhay sa loob ng pamantasan.

Gaano ba kawalang-pakundangan ang mga opisyal sa kasalukuyan? Ayon sa testimoniya ng ilang dati at kasalukuyang miyembro ng BOR, may isang matandang miyembro ng BOR na sinabihan noon ang isang abogado ng UP: “Don’t lecture us about the law. We can do whatever we want. We are the Board of Regents!

Sa ganitong konteksto, wala tayong karapatang humiling sa mga nagpoprotesta na magpakahinahon. Umabot na sa sukdulan ang kultura ng walang-pakundangan sa pamantasan. Kung kahit ang mga lider ng unyon ay hinahamon ng Chancellor ng UPLB ng suntukan, malinaw na hahanap at hahanap ng iba pang porma ng protesta ang mga estudyante, guro at kawani.

Kailangang malamang hindi lang mga aktibista ang nagpoprotesta sa UP. Halimbawa, ang maraming doktor, nars, at iba pang health workers na dati’y kontento na sa paggampan ng kanilang trabaho sa PGH ay nagmamartsa na ngayon kasama ang mga estudyante. Sa katunayan, noong Marso 24 ay nagpadala ng text message ang associate dean ng UP College of Medicine (UPCM) na nagbitiw na siya sa kanyang administratibong tungkulin dahil sa tinagurian niyang “death of democracy and BOR tyranny.”

Ayon naman sa isang mapagkakatiwalaang impormante, inaantabayanan ang pagsusumite ng mass leave ng 50 propesor ng UPCM sa mga susunod na araw. Kumakalat na rin sa social networking sites ang plano ng mga konseho ng estudyante (student councils) ng UP na ipagpatuloy ang iba’t ibang mapanlikhang protesta hanggang sa university graduation sa Abril 25.

Sa mga susunod na araw at buwan, huwag sana nating tingnang simpleng pambabastos o teroristang hangarin ang anumang gagawin ng mga nagpoprotestang sektor sa pamantasan. Kung pagbabatayan ang nangyari noong Marso 24, ang protesta ay simbolikong pagpapahayag lang ng pagtutol at walang naging pangmatagalang pinsalang nagawa.

Dapat pa ngang tingnang ang nangyaring kilos-protesta ay isang pagtitimpi ng mga dumalong estudyante, guro at kawani. Baka mas malala pa ang nangyari sa mga miyembro ng BOR at ilang opisyal ng UP kung tunay na nagpadala sila sa simbuyo ng damdamin.

Kung isasakonteksto lang natin ang lahat ng pangyayari, malalaman natin kung sino ang tunay na bastos at walang pakundangan sa kapakanan ng kapwa.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa http://www.dannyarao.com.

Text originally posted here: http://feeds.feedburner.com/RisingSun

Photos from: http://www.facebook.com/album.php?aid=55169&id=1441863306&ref=mf