Ang Paghahanap sa Winala ng Estado: Kaso nina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan

Posted on May 6, 2011

0


ANG PAGHAHANAP SA WINALA NG ESTADO

AY PAGPAPANAGOT SA MAYSALA’T BERDUGO

Pahayag ng ALL UP WORKERS ALLIANCE at CONTEND-UP

kaugnay ng pagsasampa ng kaso ng mga kaanak nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño

laban kina Jovito Palparan

Mayo 4, 2011

Hindi lamang ang mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan ang magli-limang taon nang nawawala sa darating na Hunyo 26, 2011. Patuloy pa ring hinahanap ang hustisya para sa pagdukot, tortyur at paggahasa sa kanila ng mga puwersang militar sa ilalim nina Jovito Palparan at Gloria Macapagal Arroyo. Mas tama sigurong sabihing “winala” at “winawala” ito ng mga nasa kapangyarihan. Ngunit ang sistematikong pagdukot, pagtortyur at paggahasa kina Karen at Sherlyn at sa hustisya ay dapat nang tumigil at hindi na dapat pang mangyari kailanman at kaninuman.

Bilang mga estudyante, kawani, guro at miyembro ng komunidad ng UP, taimtim tayong naniniwala na ang pagbiktima kina Karen at Sherlyn ay pagsalaula sa karapatang pantao. Na ito’y bahagi ng isang sistemang nandarahas sa mabubuting anak ng bayan. Oo. Mabubuting anak ng bayan sina Karen at Sherlyn na piniling paglingkuran ang sambayanan. Ito rin mismo ang kultura at tradisyon ng UP na humubog sa napakaraming mabubuting anak ng bayan.

Dinukot sina Karen, Sherlyn at Manuel Merino noong Hunyo 26, 2006 sa bahay ni Raquel Halili sa Brgy. San Miguel, Hagonoy, Bulacan. Sino ang dumukot sa kanila? Lahat ng detalye ay nakaturo sa direksyon ng militar. Dalawang saksi ang nakakita sa pagdukot sa kanilang tatlo. Ayon sa mga saksi, puwersahan isinakay ang tatlo sa isang dyip na may plakang RTF 579. Pinatotohanan ng isa pang saksi, na miyembro ng Quick Response Team na naghahanap kina Karen at Sherlyn, na nakita niyang nakagarahe sa headquarters ng 56th Infantry Batallion sa Iba, Hagonoy, Bulacan ang parehong dyip na may plakang RTF 579.

Dagdag pa rito, ang isa sa mga nakasaksi ay dinetina pa ng militar at dumaan sa interogasyon ng isang “2 Lt. Francis Mirabelle Samson.” Tinanong siya ng nasabing militar tungkol sa dalawang diumano’y miyembro ng New Peoples’ Army (NPA), na ang deskripsyon ay tila tumutugma kina Karen at Sherlyn. Nangangahulugan ito na pinaghihinalaan ng mga militar na miyembro ng NPA sina Karen at Sherlyn, at na ang paghihinalang ito ang siyang pinakadahilan kung bakit sila’y dinukot. Hindi katanggap-tanggap ang ganitong pag-iisip at aksyon ng militar, laluna’t kahit ang Kagawaran ng Hustisya ay nagsasabing kailangang irespeto ang karapatang pantao ng lahat, kasama ang mga miyembro ng NPA.

Pinatotohanan rin ng biyenan ni Sherlyn na noong Abril 11, 2007, halos isang taon matapos ang pagdukot sa kanila, ay binisita siya ni Sherlyn at “may kasamang” armadong dalawang lalaki at tatlong babaeng pawang naka-unipormeng pangmilitar. Sa testimonya naman ng saksing si Raymond Manalo, isinalaysay niya na nakita niya sina Karen at Sherlyn na nakadetina sa Camp Tecson. Isinaad rin ni Manalo sa testimonya kung paanong tinortyur at ginahasa sina Sherlyn at Karen.

Ang lahat ng detalye’t ebidensiyang ito ay prinesenta sa Petisyon para sa Writ of Habeas Corpus at Writ of Amparo na isinumite para kina at sa ngalan nina Sherlyn at Karen. Ibinigay ng korte ang Writ of Amparo na positibong kumikilala sa mga elemento ng militar bilang responsable sa pagdukot at tortyur, at na sila’y maituturing na nagkasala at puwedeng kasuhan ng sumusunod na krimen: a. Rape (Article 335, Revised Penal Code), b. Serious Physical Injuries (Art. 263, R.P.C.), c. Arbitrary Detention (Art. 124, R.P.C.), d. Maltreatment of Prisoners (Art. 235, R.P.C.), e. Grave Threats (Art. 282, R.P.C.), f. Grave Coercion (Art. 286, R.P.C.), g. Violation of R.A. 7438 or An Act Definng Certain Rights of Persons Arrested, Detained or Under Custodial Investigation as well as the Duties of the Arresting, Detaining and Investigating Officers, and Providing Penalties for Violations Thereof, at h. Violations of  the International Covenant  on Civil and Political Rights and the Convention Against Torture and Other Cruel, Inhuman or Degrading Treatment or Punishment, all of which are generally accepted principles of international law adopted by the Philippines under the 1987 Constitution as part of the law of the land and which can be applied with equal force within Philippine jurisdiction.

Makikita sa mga detalyeng ito na malinaw ang “conspiracy” – na ang pagdukot, pagtortyur at paggahasa kina Karen at Sherlyn ay hindi na lamang “indibidwal na akto” ng mga elemento ng militar na nagsagawa nito, kundi responsable rito maging ang mga opisyal ng militar. Bagama’t sina Sherlyn at Karen ay dinukot ng di-mapangalanang mga elemento ng 56th Infantry Battalion (IB) ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas, malinaw na sila ay dinetina at nasa ilalim ng kustodiya ng 24th IB ng Hukbong Sandatahan. At higit pa rito, na sina Sherlyn at Karen ay tinortyur at ginahasa nina at sa kaalaman at atas nina M/Sgt. Donald Caigas at M/Sgt. Rizal Hilario.

Higit pa rito, nangangahulugan na ang pagdukot kina Karen at Sherlyn ay planado, at na ang pagtortyur at paggahasa sa kanila ay isinagawa nina at nasa kaalaman at pag-uutos nina Lt. Col. Rogelio Boac, dating commanding officer (CO) ng 56th IB, at Lt. Col. Felipe Anotado, dating CO ng 24th IB. Ang dalawang nabanggit na CO ay nasa direktang “command, order and supervision” ng dating commanding general ng 7th IB ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas, si Maj. Gen. Jovito Palparan Jr., na may direktang partisipasyon at kooperasyon sa pagplano, preparasyon, pagsasagawa o pagtatakip ng mga naturang krimen.

Hindi maipagkakailang ang mismong mga elemento ng Hukbong Sandatahan ang mga kriminal na nambiktima sa mga estudyante ng UP na sina Karen at Sherlyn. Hindi maitatanggi na ang sistematikong pangwawalanghiyang ito ay matagal nang nagaganap sa Pilipinas, at na ito’y ipinapataw sa mga anak ng bayan na buong-pusong naglilingkod sa mamamayan.

Kung kaya’t marapat nating tanungin kung “Ano ang naging kasalanan nina Karen at Sherlyn?” Wala tayong ibang matukoy na dahilan, kundi na ang kasalanan nila ay ang magmahal sa bayan. Na ang tangi nilang kasalanan marahil ay ang hindi paniwalaan ang mga “katotohanan” ng pamahalaan. Dahil ang tunay na “katotohanan” ay nagnanaknak ang kahirapan sa lipunan, na hindi pantay ang distribusyon ng kita at yaman, na nadadayukdok ang kalakhan ng mamamayan habang ang iilan ay nagpapakalinta sa pondo ng bayan.

Hindi ang mga tulad nina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan ang dapat pinarurusahan ng militar at pamahalaan. Dahil ang tangi nilang kasalanan ay ang mangarap at kumilos para sa isang lipunan, pamahalaan, at bayan na tunay na naglilingkod sa interes ng sambayanan. Patuloy nating hanapin sina Karen at Sherlyn, at iba pang biktima ng pangwawala ng estado. Patuloy tayong manawagan ng hustisya para sa mga biktima ng sistematikong pangwawala at pamamaslang, at igiit nating mapanagot ang mga maysala.

Sapagkat ang politika ng paghahanap sa mabubuting anak ng bayan na winala ng estado ay ang politika ng pagpapanagot sa mga maysala’t berdugo.

Posted in: Uncategorized