Balik-Eskuwela, Mas Malalang Problema — CONTEND-UP Diliman

Posted on June 6, 2011

0


BALIK-ESKUWELA,MAS MALALANG PROBLEMA

Pahayag ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (UP Diliman) (CONTEND-UP)

Para sa pagbubukas ng klase, 6 Hunyo 2011

 

Sa mga magsisipasok na estudyante ngayong Hunyo, isang malugod na pagbati mula sa inyong mga guro!  Sa pagbubukas ng mga paaralan, kasabay din nito ang mas matinding mga suliraning kakaharapin ng mga mag-aaral at guro na siyang bumubuo sa sektor ng edukasyon sa bansa. Nakalulungkot na sa kabila ng disinsana’y nakaeengganyong pagbabalik-eskuwela, tatambad ang mga suliraning hindi na bago sa ating karanasan sa loob at labas ng apat na sulok ng silid-aralan.

 

Bukod sa dati ng mga problema sa kakulangan ng mga kuwarto, kagamitan sa pagtuturo, mababang pasahod at maliit na badyet sa edukasyon, nariyan ang minadaling implementasyon ng K+12, o kindergarten at labindalawang taong mandatoryong pag-aaral sa mababa at mataas na antas ng paaralan bago magkolehiyo. Ayon sa Alliance of Concerned Teachers-Philippines (ACT-Philippines), 103,599 guro ang kulang ngayong taon mula sa 54,060 noong nakaraang taon.  Kulang din ng 152,569 silid-aralan (61,343 noong nakaraang taon), 13,255,572 upuan (mula sa 816,290), at 151,084 patubig at sanitasyon (mula 113,051).  Sa antas kolehiyo, pangunahing suliranin ang 272 bilyong pisong budget cut sa mga State Colleges and Universities (SCUs) ngayong taon. Sintomas ang mga ito ng maling pagpaprayoridad ng administrasyong PNoy sa kaban ng bayan.

 

Hindi maihihiwalay ang mga problemang ito sa sektor ng edukasyon sa mga suliraning kinakaharap ng bansa sa mas malawak na konteksto ng neoliberal na polisiyang kinasasangkutan ng pamahalaang Aquino.  Ginagawang panakip-butas ang pakikipag-ugnayan ng gobyerno sa mga pribadong ahensiya na sa pag-aakalang ito ang nararapat na paraan upang masolusyunan ang ating mga pambasang suliranin. Subalit hindi maikakaila na walang ibang nais ang mga pribadong kompanya kundi ang magkamal ng malaking tubo sa pamamagitan ng pagsuot ng maskara ng kawanggawa. Sa pamamagitan ng mga ganitong ugnayan, mas binibigyan-prayoridad ng pamahalaan ang direktang lehitimisasyon ng pagkalakal sa mga batayang serbisyong panlipunan. Sa pagpasok sa pakikipagkontrata sa mga pribadong ahensiya, isang bagay lamang ang matitiyak, ang pag-abandona ng gobyerno sa mga responsibilidad nito upang tuluyang wakasan ang mga problemang ating kinakaharap hindi lamang sa isyu ng edukasyon.

 

Isang taon na rin ngayong Hunyo ang administrasyong Aquino. Marapat na balik-aralin natin ang mga ipinangakong pagbabago upang matukoy kung ano-ano ang natutunan natin sa nakaraan at magkaroon tayo ng malinaw na perspektiba kung saan patungo ang rehimeng walang pinagkaiba sa mga nauna dito. Sa pangako ng mabuting pamamalakad, animnapu’t limang (65) milyong Filipino ang mahirap, o nabubuhay lamang sa 104 piso kada araw. Nakakabahala ang paglaki ng agwat ng mayayaman sa mahihirap. Habang ang 21.4 bilyong dolyar na kabuuang yaman ng 25 pinakamayamang Filipinong ay katumbas na ng taunang sahod ng 55.4 milyong Filipino. Noong nakaraang taon (2010), 4.4 milyong Filipino ang walang hanapbuhay, at 16.5 milyon ang may mababang uri ng trabaho.

 

400 na Filipino ang lumalabas pa rin ng bansa para magtrabaho at dumagdag sa siyam na milyon nang OFW. Hindi ito nakapagtataka dahil sa mababang pasahod sa ating bansa. Bagaman mahigit 400 piso ang minimum na sahod ngayon, hindi gaanong umaakyat ang tunay na sahod (real wage na inayon sa inflation; o nasa 243 piso ngayon) simula dekada 90. Nasa sektor ng agrikultura ang isa sa bawat tatlong Filipinong may trabaho (o mga 12 milyong Filipino).

Ngayon taon lamang (2011), tumaas ang presyo ng diesel, gaas, at gasoline nang mahigit anim na piso na dulot ng ispekulatibong pagpepresyo na mistulang guni-guning takot sa pagkukulang sa suplay ng langis. Sa katunayan, mahigit 350 milyong piso kada araw ang kinikita ng mga kompanya ng langis dahil sa sobrang pagpresyo.

 

Sa 1.6 trilyong pisong National Budget ng taong 2011, halimbawa, 823.3 bilyon ang nakalaan bilang pambayad-utang ng bansa. Mula 1980, mahigit 150 bilyong dolyar na ang ibinayad natin para sa utang panlabas, pero lumobo ang 17 bilyong dolyar (1980) na utang sa kasalukuyang 68 bilyong dolyar. Mali na nga ang mga naunang pamamalakad, pero ginagawa pa rin ng kasalukuyang administrasyon. Walang pinagkaiba ang kasalukuyang administrasyon na nag-establisa pa ng mga patakarang magpapalala sa malala nang kalagayan ng bansa. Hindi pa rin naipatutupad ang tunay na reporma sa lupa. At nilansi pa ang mga magsasaka sa pamamagitan ng huwad kompromiso sa Hacienda Luisita.

 

Sinasabing ang administrasyon ay may pagkiling sa karapatang-pantao at pagsusulong ng usaping pangkapayapaan subalit nagpapatuloy ang politikal na paniniil at paglabag sa karapatang-pantao. Nadagdagan ang 1,206 extrajudicial killing, 206 reinforced disappearances, at 356 bilanggong politikal mula 2001 hanggang Hunyo 2010 sa panahon ng pamumuno ni PNoy. Sa esensiya’y ang Oplan Bayanihan ay pagpapalit lamang ng pangalan ng dati nang unilateral na kasunduang higit na nagsisilbi sa interes ng US. Wala ring malinaw na patutunguhan ang usapang pangkapayapaan ng pamahalaan sa CPP-NPA-NDFP at MILF. Sa halip, mas pinatindi ang pagpapalakas ng ahensiyang militar kung saan kasabwat ang mga tropang Amerikano na patuloy na nakikialam at nandarahas sa mga lugar na inaakalang pugad ng rebelyon gayong ang karaniwang nagiging biktima ay ang mga sibilyan.

 

Nakasisindak na pagkapanalo bilang ni Aquino bilang pangulo ng bansa. Patunay lamang ito na ang “demokratikong” eleksiyon at sanhi ng  suporta ng Estados Unidos upang lalong mapanatili ang interes nito sa bansa. Natututo na tayong makita ang balintunay na demokrasyang dulot ng eleksiyon kada termino. Nanunumbalik lamang ang mga Aquino, Cojuangco, at Marcos. Kalahati sa mga nanalong senador ay senador din naman noon. Tatlo sa apat na mga konggresista ay milyonaryong triple o double-digit (nagkakahalaga ng mula 10.4 milyon hanggang 947.9 milyong piso ang yaman). Mula sa mga pamilyang politikal ang 16 senador (67%), mahigit 130 konggresista (60%), 53 gobernador, 26 bise gobernador bansa. Ayon sa NEDA, 10 bilyong piso ang nagastos ng mga kandidato sa eleksiyon noong 2010. Ayon sa PCIJ, 4.3 bilyong piso ang ginugol sa mga patalastas lamang.

 

Ipinangako ang pagiging bukas at tapat na panangutan ng rehimen laban sa naunang administrasyong Arroyo na naging pugad ng katiwalian at pagsasamantala. Subalit hanggang sa kasalukuyan, malaya pa rin ang dating presidente at hindi pa rin napaparusahan ang mga kamag-anak at crony nitong napatunayan namang nagkasala sa mamamayan sa pamamagitan ng pagpasok sa mga malisyosong transaksyon. Hangga’t hindi natutugunan ang mga batayang suliranin sa bayan, mananatiling huwad ang Conditional Cash Transfers o CCT. Gaya ng mga gas card na ipinamumudmod sa mga namamasada, pantawid-gutom lamang ang CCT na papatay rin sa mahihirap na Filipinong  kalauna’y hindi na makakatanggap nito. Ang lahat ng ito’y habang nagmumukhang tumutulong ang pamahalaan sa bayan subalit sa huli’y mapapatunayan na ang mga agarang-gamot na ito’y bahagi ng mas malubhang sakit ng lipunan.

 

Sanhi ng mga patuloy na suliranin panlipunang ito, kasama ang problema natin sa sektor ng edukasyon, mas higit na marapat maging mapanuri sa mga huwad na polisiya ng pamahalaan na sumisikil at unti-unting pumapatay sa kanyang mga mamamayan. Hindi na maitatanggi na mas malalang krisis panlipunan dahil sa dikta ng makapangyarihan at monopolyadong pamamahala ng rehimeng US-Aquino.  Sa pagbukas ng klase, ipakita natin ang pakikiisa ng mga nasa sektor ng edukasyon sa masang mamamayan na lumalaban upang tuluyang isara at wakasan ang pag-aapi at pagsasamantalang kaytagal na nating nararanasan.

 

Education budget, dagdagan, huwag bawasan!

 

Budget cut sa edukasyon, tutulan, labanan, ibasura!

 

Edukasyon, karapatan ng mamamayan!

Posted in: Uncategorized