Palayain ang Calamba 7! –Gabriela-Southern Tagalog

Posted on June 20, 2011

4


Mariing kinukundena ng GABRIELA-Southern Tagalog ang naganap na panghaharas at panghuhuli kahapon sa 8 kabataan matapos magsagawa ng isang kilos protesta kasabay ng pananalita ni Noynoy Aquino.

 

Kaugnay ito ng pagdiriwang ng ika-150 kaarawan ni Jose Rizal.

 

“Hindi natin mapapag-iba na ang ginawa kay Rizal na panghaharas ng mga Espanyol sa ginawa ng mga security group ni Noynoy Aquino. Kailan ba naging masama na iparinig sa presidente ng Pilipinas  ang mga lehitimong panawagan ng mamamayan ng Timog Katagalugan?” Ito ang pamanghamong pagkundena ni Rona Jane B. Manalo ang Pangkalahatang Kalihim ng GABRIELA-Southern Tagalog.

 

Habang nagsasalita si Noynoy Aquino, 7 kabataan ang buong tapang na nagladlad ng kanilang mga panawagan, hindi lamang sa usapin ng edukasyon ngunit gayon na rin sa kalagayan ng Timog Katagalugan.

 

Nadamay pa sa nadampot ang isang kabataan na nakikiusyoso lamang sa pangyayari.

 

Isa sa mga nahuli at hanggang ngayon ay nakadetine sa Calamba Police Station ay si Catherine Gigantone, miyembro ng GABRIELA-Youth UPLB.

 

“Sila ang mga sinasabi ni Rizal na mga tunay na pag-asa ng bayan, kaya  hindi dapat sila tratuhin ng marahas, gaya ng ginawa sa kanila. Hindi matutuwa si Rizal sa ginawang pambubusabos na ito sa mga sinabi niyang pag-asa ng bayan,” pagbibigay diin pa ni Manalo.

 

Hanggang sa kasalukuyan ay nakadetine pa rin ang  7 kabataan sa Calamba Police Station. Sinampahan sila ng kasong Alarm and Public Disturbance, kahit  sa batas naman ay legal ang kanilang ginawa.

 

Naninindigan ang Gabriela-Southern Tagalog na kahit minsan ay hindi kasalanan ang magpahayag ng sarili, lalo na kung ito ay isyu ng mamamayan.

 

“Sila ay mabuting halimbawa sa mga kabataan, wag makuntento sa kasalukuyang bulok na kalagayan. Kumilos at labanan ito, gaya ng ginawa ni Rizal,” panghuling pahayag ni Manalo.

 

Nanawagan ang GABRIELA-Southern Tagalog ng kagyat na pagpapalaya sa 7 kabataan.  Ganito rin ang ginwa ni Gloria Arroyo ng may 5 mamamayan ng Calamba ang nagpahayag ng pagpapatalsik kay Arroyo noong 2008.

 

Pagpapakita na walang pinag-iba si Aquino kay Arroyo sa pambabalewala sa mga mamamayan ng Timog Katagalugan.

 

Originally posted here: http://www.facebook.com/notes/gabriela-southern-tagalog/palayain-ang-calamba-7-gabriela-st/209839112385067