Kung buhay pa si Rizal (Tula para sa Calamba 7); ni Rogene Apellido Gonzales

Posted on June 20, 2011

2


ni Rogene Apellido Gonzales

 

Anong lalim ng galit at ngitngit

ang ikukuwit ng pambansang bayani

sa bawat tandang padamdam

ng kanyang mga nobela at tula?

 

Kung makikita ng kanyang mga mata

na ang katumbas ng kanyang ibinuwis na buhay

ay isa lamang bangkay sa sariling hukay;

at walang ginintuang ani -ni piraso, ni katiting

ang sumibol sa kanyang pagkakalibing!

 

Anong klaseng mga salita at tugma

ang ibubulalas niya sa kapwa intelektwal?

Anong mga kataga ang isasaad niya

sa pakikipagkapit-bisig

sa masang gumagawa at nagbubungkal?

 

Kung malalaman ng kaniyang diwa

na ang mga tagubiling iniwan niya

ay nanatili lamang salita sa mga pahina

at hindi sa puso at gawa ng madla!

 

At kung makikilala niya

ang mga pinunong utak koloniyalista,

lokal at dahuyang mapagsamantala

na ganid na ginagatasan ang mga dukha!

 

Tiyak akong

kung si Rizal ay buhay pa

magkatulad ang isisigaw niya

sa pitong nasa piitan!

 

Tiyak akong

ang kaniya ring mga kamao

ay ikukuyom niyang parang bato

sa pakikiisa sa pakikidigma’t paninindigan!

 

Tiyak akong

ni wala rin siyang pag-aatubili

sa pakikipaggitgitan

sa mga nasa kapangyarihan!

 

Dahil isa’t kalahating siglo man ang dumaan,

mas gugustuhin pa niyang hindi kilalanin ng taumbayan

ang kanyang pangalan o kapanganakan;

 

Kung ang katumbas nito’y

tunay na malaya, tunay na dakila

at tunay na maalwan

ang kinabukasan

ng mga pag-asa ng bayan!