Pahayag ng ALL UP WORKERS ALLIANCE para sa internasyunal na araw para sa pagsuporta sa mga biktima ng tortyur

Posted on June 26, 2011

0


ISULONG ANG KARAPATANG PANTAO, LABANAN ANG TORTYUR AT POLITIKAL NA PAMAMASLANG

Pahayag ng ALL UP WORKERS ALLIANCE para sa internasyunal na araw para sa pagsuporta sa mga biktima ng tortyur (Hunyo 26, 2011)

 

Noong Nobyembre 2007, iniulat ng UN Special Rapporteur on Extrajudicial Killings na si Philip Alston ang pananagutan ng Armed Forces of the Philippines sa serye ng mga politikal na pamamaslang, sapilitang mga pagkawala at tortyur na nangyari sa ating bansa. Kabilang na dito ang paglabag sa Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR) dahil sa pamamaslang sa mga human rights activist na sina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy noong 2003.

Sa pagsasagawa ng mga imbestigasyon, maraming kaso ang hindi natuloy sa hukuman dahil sa kakulangan ng ebidensiya at salaysay ng mga witness na natatakot din para sa kanilang kaligtasan at buhay.  Dalawang kaso sa mga nakaraang taon ang nalitis subalit walang matataas na opisyal ng militar ang naparusahan. Kabilang dito ang kaso ni Army Corporal Rodrigo Billones sa probinsiya ng Agusan del Sur.  Siya ang salarin sa ginawang pagtortyur at iligal na pagkulong sa anim na tao noong 2000 na pinagsuspetsahan na mga miyembro ng New People’s Army.   Sa kaso ni James Balao, ang co-founder ng Cordillera Peoples’ Alliance (CPA), kinilala na mga opisyal na pulis ang dumukot sa kanya subalit hindi pa rin naparurusahan.

Hunyo 26, 2006 nang dukutin sina Karen Empeno  at Sherlyn Cadapan sa San Miguel, Hagonoy, Bulacan. Isang Sociology major si Karen habang si Sherlyn nama’y kasapi ng konseho ng mga mag-aara ng UPl at isang atleta. Sina Karen at Sherlyn ay pinaniniwalaang dinukot ng mga militar dahil sa kanilang pagiging tagapagtaguyod ng  karapatan ng mga magsasaka sa gitnang Luson. Simula noon, hindi na sila muling nakita pa ng kanilang pamilya.  Ayon sa salaysay ng nakatakas sa kamay ng mga militar na si Raymond Manalo, nasaksihan niya kung sa paanong paraan pinahirapan at ginahasa ang dalawang iskolar ng bayan.

Patuloy din sa paghahanap si Edith Burgos sa anak na si Jonas Burgos na dinukot naman sa isang mall sa Commonwealth Avenue noong Abril 28, 2007. Dahil sa numero ng plaka ng Toyota Revo na TAB 194, natunton ng mga naghahanap kay Jonas ang sasakyan sa kampo ng mga militar sa Norzagaray, Bulacan.  Lumitaw at kinilalang berdugo ang opisyal ng militar na si Major General Jovito Palparan na siyang maypakana ng sunod-sunod na pagmamaslang at paglabag sa karapatang pantao, partikular sa gitnang Luson.

Ang graduate ng University of California, San Diego na si Melissa Roxas ay sapilitang kinuha ng mga militar sa isang bahay sa  La Paz, Tarlac kung saan siya nagpapahinga matapos ang pag-survey para sa medical mission sa nasabing lugar noong May 19, 2009.  Nakasaad sa kanyang affidavit ang naranasang paghihirap sa kamay ng mga militar; ang pambubugbog, ang mga pisikal at sikolohikal na tortyur. Ang tinagurian namang Morong 43 ay iligal na inaresto at ikinulong matapos pagbintangang mga miyembro ng New Peoples Army na gumagawa ng pasabog.  Subalit ang katotohanan, sila’y mga indibidwal na nagsasagawa ng medical training upang serbisyuhan ang mga lugar na hindi naabutan ng tulong medikal ng pamahalaan.

Patunay lamang ang lahat ng ito na may malaking pagkakasala ang rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo at marapat managot sa mga paglabag sa karapatang pantao.  May kabuuang 1, 206 na pamamaslang sa loob ng siyam na taon na pamamahala ni GMA. Sa pagtatapos  ng rehimen ni GMA, mayroong 371 na mga political prisoners ang nakapiit sa iba’t ibang kulungan sa bansa. Madaragdagan ito nina Allan Jazmines, Ericson Acosta at Maricon Montajes.

Sa kasalukuyang rehimen ni Noynoy Aquino, mayroong ng 16 na extrajudicial na pamamaslang kung saan ang karaniwang biktima’y pesante at mayroong 2 sapilitang pagkawala. Nito lamang ika-25 ng Pebrero, sapilitan namang pinasakay si Rodel Estrellado, isang aktibista at miyembro ng Bayan Muna sa sasakyan ng mga nagpakilalang miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Subalit matapos ang dalawang araw, nasumpungan na lamang si Rodel ng kanyang mga kamag-anak na malamig na bangkay sa isang punerarya.  Isang linggo matapos ang inagurasyon ni PNOY bilang presidente, binaril si Fernando Baldomero noong July 5. Si Baldomero’y  tagapangulo ng Bayan Muna sa Aklan. Bukod sa mga aktibista, biktima rin ng pamamaslang ang mag-amang katutubong B’laan na sina Rudy dejos at Rody Rick Dejos ng Santa Cruz, Davao del Sur.

Disyembre 17, 2010 nang iutos ng Morong Regional Trial Court ang pagpapalaya sa Morong 43 matapos ang sampung buwan na detensyon. Natukoy na rin ang militar na si Major Harry A. Baliaga Jr.  bilang responsable  at may kinalaman sa pagkawala ni Jonas Burgos.  Gayundin naman, patuloy ang pag-usad ng kaso nina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan upang pagbayarin ang mga maysala.  Dahil sa hindi ipinagkakait na tulong at suporta ng mga progresibo at makabayang organisasyon, samahan, institusyon at mga indibidwal na mamamayan, hindi maitatanggi na aktibo ang bawat isa sa atin  sa pagtanggol sa karapatang pantao. Magpapatuloy tayo sa panawagan sa pamahalaan na igalang  ang mga napagkasunduang batas tulad ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at pagkilala sa karapatan ng mga mamamayan, aktibista at mga indibidwal na may progresibo’t politikal na personalidad.

 

Katarungan sa lahat ng mga politikal na pamamaslang!

Ilitaw ang mga nawawala!

Palayain ang lahat ng bilanggong politikal!

 

Mga sanggunian:

http://desaparesidos.wordpress.com/2011/06/20/with-supreme-court-decision-criminal-cases-against-palparan-grow-strong/ (accessed June 23, 2011)

http://freejonasburgosmovement.blogspot.com/(accessed June 23, 2011)

http://justiceformelissa.org/wp/wp-content/uploads/2009/07/affidavit.pdf(accessed June 23, 2011)

http://newsinfo.inquirer.net/inquirerheadlines/nation/view/20101211-308278/Aquino-Free-Morong-43(accessed June 23, 2011)

http://newsinfo.inquirer.net/inquirerheadlines/nation/view/20100623-277078/What-went-before-Jonas-Burgos-abduction (accessed June 23, 2011)

http://www.scribd.com/doc/43400695/Karapatan-Monitor-3Quarter-Jul-Sept-2010(accessed June 23, 2011)

The State of the World’s Human Rights,  Amnesty International Report 2009