Ulat Hinggil sa Matagumpay na Dialogo ng AUPWU, AUPAEU at UP Administrasyon

Posted on August 13, 2011

0


Ulat Hinggil sa Matagumpay na Dialogo ng AUPWU, AUPAEU at UP Administrasyon

 

Nitong nakaraang ika-9 ng Agosto ay nagkaroon ng makasaysayang dialogo ang mga opisyal ng Administrasyon ng UP at ng mga opisyal ng All UP Academic Employees Union (AUPAEU) at All UP Workers Union (AUPWU). Naganap ito sa Executive House ng UP Diliman.

 

Kabilang sa mga dumalo sa panig ng administrasyon sina Pres. Alfredo Pascual, VP Administration Maragtas Amante, VP Planning & Finance Lisa Grace S. Bersales, VP Legal Affairs Danilo L. Concepcion at AVP Public Affairs Danilo Arao.

 

Kabilang naman sa mga dumalo sa panig ng mga unyon sina Ramon Guillermo, Pambansang Tagapangulo ng AUPAEU, Felix Pariñas, Pambansang Tagapangulo ng AUPWU at Perlita Raña na Pangkalahatang Kalihim ng AUPAEU. Nandoon din ang iba pang opisyales ng dalawang unyon sa nasyonal na antas at mula sa mga tsapter sa UP Manila at UPLB.

 

Dumating din ang dating Staff Regent na si Clodualdo Cabrera at dating Faculty Regent na si Judy Taguiwalo. Nandoon din sa dialogo ang kasalukuyang Faculty Regent na si Ida F. Dalmacio. Hindi nakarating si Staff Regent Jossel Ebesate dahil dumalo siya sa hearing ng House or Representatives (HOR) ukol sa budget pangkalusugan.

 

Nagbigay ng kumprehensibong pagtalakay sa simula ng dialogo si Pres. Pascual hinggil sa kanyang bisyon para sa UP System. Ipinaliwanag niya ang mga suliranin na kinakaharap ng UP dulot ng napipinto muling budget cut. Kinumpirma niya ang kaltas na  P400 million sa Personnel Services at P200 million sa MOOE. Binanggit rin niya na ang mga P700 million na MOOE sa panukalang budget ng DBM para sa UP ay hindi pa makakatugon sa P900 milyon na taunang gastusin para sa mga utililities ng buong UP System. Nagmungkahi si Pres. Pascual  ng mga paraan upang makatipid at makakalap ng pondo ang Unibersidad upang magkaroon ng karagdagang mapagkukunan para sa mga benepisyo ng mga faculty, REPS at mga kawani.

 

Pagkatapos ng pagbabahagi ni Pres. Pascual ay magkakasunod namang inihapag ng mga dalawang pangulo ng AUPAEU at AUPWU at ng pangkalahatang kalihim ng AUPAEU ang mga usapin na kailangang kagyat na matugunan sa susunod na pagtatawag ng pagpupulong ng Union Management Consultative Body (UMCB) at Union Management Monitoring Committee (UMMC). Naging matingkad sa mga binanggit ng mga kinatawan ng mga unyon ang mga usapin ng pagpapatupad ng patakaran sa official time lalo na sa hanay ng mga kawani at REPS, seryosong pagharap sa samutsaring suliranin ng mga REPS, komersyalisasyon ng serbisyo sa PGH at pagpipinal ng Grievance Procedure.

 

Nagtapos ang dialogo na may namumuong pag-asa sa bawat panig na magiging mabunga ang relasyon ng mga unyon sa kasalukuyang administrasyon tungo sa pagtataguyod ng kagalingan, kapakanan at mga karapatan ng mga kawani, faculty at REPS.

 

Nagtapos ang dialogo na napagkasunduan ng mga panig ang pormal na pagpupulong na ng UMCB at UMMC sa ika-2 ng Setyembre, 2011, ika-2 n.h.

 

Tingnan ang mga larawan sa link sa ibaba:

https://www.facebook.com/media/set/?set=a.247345708621664.61154.125780737444829&type=1

Posted in: Uncategorized