Martsa, Martsa, Martsa, Martsa

Posted on October 5, 2011

0


Martsa, Martsa, Martsa, Martsa

Mykel Andrada

 

Kabaligtaran sa inaakala ng iba, masaya ang sumama sa mga rali. Ang mga kaganapang tulad nito ay hindi ang tulad nang ipinipinta ng gobyerno, ng pulisya, o ng midya na impluwensiyado ng pamahalaan. Bagama’t mayroong mararahas na rali o demonstrasyon na napanood natin sa telebisyon o nakita sa mga larawan sa internet at diyaryo, maliit na larawan lamang itong pinalalaki at madalas na iniimbento. Hindi karahasan ang layunin ng mga rali. At hindi ganoon ang karamihan ng mga rali. Ang totoo niyan, kaya nagkakaroon ng kaguluhan sa mga rali ay dahil sa madalas na pandarahas ng mga pulis at sundalo sa mga raliyista.

 

Sa katunayan, maayos at sistematiko ang mga rali na inilulunsad ng mga progresibo at aktibistang grupo. Isang uri ng demonstrasyong masa o mass demonstration ang rali, kabilang na ang mga welga, piket, die-in, martsa, at ngayon, maging ang planking. Simbolikal ito na pagpapakita ng pisikal na dami at lakas ng sama-samang pagkilos. Layunin nitong magpakita ng puwersa at magsulat ng kasaysayan ng kolektibong aksiyon, para sa makabuluhang pagbabagong panlipunan at para sa mga makatarungang kahingian at para sa pakikipaglaban para sa karapatan ng mga mamamayan.

 

Noong Setyembre 21-23, 2011, para akong nagbalik-kasaysayan noong aking freshman days sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman. Pebrero 14, 2000 nang maglunsad ng martsa ang mga estudyante, guro, kawani, REPS at maging administrador ng UP patungong Mendiola. Nagkakatuwaan pa nga kami sa pagtsa-chant ng “Don’t be sosi, join the rally!” at dahil araw ng mga puso noon ay hinihikayat namin ang mga kapwa estudyante na sa Mendiola na lang mag-date! Makasaysayan ito para sa UP at para sa mga tulad kong bagong-salta sa UP, dahil sa panahon ng pagkaltas ni Erap Estrada sa badyet sa edukasyon at SUCs, nagkaisa ang mga sektor ng pamantasan, at maging ang iba pang sektor sa labas ng SUCs, para sa mas mataas na subsidyo sa edukasyon at mga serbisyong panlipunan. Ikinukuwento ko sa mga estudyante ko na nang nasa taas na ako ng tulay sa may Quiapo ay lumingon ako sa likuran at nakita kong tila “dagat ng mga tao” ang bulto n gaming martsa. Libu-libong kabataan at mamamayan ang lumahok sa martsa! Nadagdagan ang badyet ng UP at iba pang SUCs.

 

Ganito ring klase ng kasiyahan ang naramdaman ko nitong Setyembre 23, 2011. Sa naunang dalawang araw ng strike sa UP Diliman, kapansin-pansin ang pagiging malikhain ngunit militante ng mga aksiyong isinagawa ng mga miyembro ng Kilos Na Laban sa Budget Cuts: mga kultural na pagtatanghal, alternatibong klase, forum, t-shirt printing, moving exhibits, mga talumpati, fashion show, indoor rally, at iba pa. Tunay na malikhain at malawak na pamamaraan ng protesta laban sa budget cuts sa edukasyon, ospital at iba pang serbisyong panlipunan. Nagkaisa ang mga estudyante, administrador, guro, kawani, REPS at komunidad ng UP sa makasaysayang labang ito!

 

Kung kaya’t ang ikatlong araw ng strike noong Setyembre 23 ay isang manipesto ng taimtim na pagnanais para ipagtanggol at kamtin ang nararapat na mataas na subsidyo. Maikling lakbayan ito, kumpara sa nilalakbay ng mga magsasaka at manggagawang bukid mula sa mga probinsiya. Ngunit ang lakbayan o martsa mula UP Diliman tungong Mendiola ay nagmarka hindi lamang sa mga lansangan kundi sa tinatawag na “kolektibong memorya” ng mamamayan. Makikita ang bayanihan, ang pagtutulungan, ang pagkalikha ng mga bagong kaibigan at kasama, ang pagpapalitan ng mga ngiti at tapik, sa gitna ng matinding sikat ng araw at polusyon ng lungsod at lansangan. Halos lahat ng bahagi ng katawan ay nagreklamo sa sakit dahil sa haba nang minartsa: ang mga paa, binti, hita, braso, likod, batok, lalamunan, mukha, at mga mata. Oo, nagreklamo ang katawan, ngunit malakas ang diwang palaban. Dahil para sa mahigit-kumulang 3,000 nagmartsa mula UP Diliman hanggang Mendiola, hindi ang kalikasan ang balakid o kalaban kundi ang sistematikong programa ng pamahalaang Noynoy Aquino sa pagkakaltas ng badyet sa edukasyon at serbisyong panlipunan.

 

Ang mga saglit na pahinga sa lilim ng tulay o puno ay sinasabayan ng mga kuwentuhan at biruan, ng pagbabahaginan ng tubig at pagkain, at ng pagkukuhanan ng litrato kahit na nagmamapa na ang pawis sa mga t-shirt. Napakasaya para sa isang guro na makitang lumahok sa martsa ang mga dati at kasalukuyang estudyante, hindi dahil required silang dumalo, kundi kusang-loob silang sumama sa isang natatanging causa. Hindi madali para sa mga estudyante – at maging sa kahit na sinumang miyembro ng komunidad ng pamantasan – na lumabas ng lansangan, lumiban sa klase, upang makiisa sa isang politikal na pagkilos. Ito ang tinatawag na pag-aaral sa lansangan – ito’y isang mataas na politikal na aktong magaganap lamang kung ang indibiwal ay nagkaroon ng sapat na paggagap sa isyu’t sitwasyon. Ang paglabas sa apat na pader ng pamantasan upang pumasok sa malawak na silid-aralan ng lansangan ay isang manipestasyon ng mataas na politikal na kamulatan. Ito’y sakripisyong may kabuluhan. Ito’y sakripisyong hindi makasarili. Ito’y sakripisyong lumalagpas sa indibidwal upang maging kabahagi ng kolektibo.

 

Pagdating ng bulto ng UP Diliman sa labas ng mga tarangkahan ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST) sa Espana, Manila, naroon na ang libo-libong mga estudyante, guro’t kawani mula sa iba’t ibang SUCs at pribadong paaralan tulad ng UP Manila, Philippine Normal University, Polytechnic University of the Philippines, EARIST, at iba pa. Ang pagtitipon ay pagsasalubong ng adhikain at prinsipyo. Sa pag-usad patungong Mendiola, hinikayat ng mga nagmamartsa ang mga estudyante ng UST at Far Eastern University (FEU) na sumama sa martsa.

 

Ang daluyong ng martsa ay dumaong sa paanan ng Mendiola – ang makasaysayang lunan ng tunggalian ng kapangyarihan pampolitika sa bansa. Marahil ay nabubuwiset ang mga drayber at pasahero dahil sa disrupsyon sa trapiko. Ngunit kailan nga ba naging tunay na malaya ang trapiko sa bansa? Ano’t anupaman, may mga drayber na kusang bumubusina para suportahan ang laban para sa mas mataas na subsidyo at mayroon ring mga pasahero na binabasa ang mga polyetong ipinamimigay ng mga raliyista.

 

Kilala ang mga demonstrasyong masa sa mga programang puspos ng talumpati at kultural na pagtatanghal. Nagsisilbing tagapagbigkis ang mga talumpati, tagapagpataas ng morale at diwang mapag-isa ng mamamayan, habang ang mga kultural na pagtatanghal ay patunay ng pangangailangan para sa isang kulturang mapagpalaya. Masaya ang mag-rali. Pramis.

 

Higit pa sa isang petiburgis na kasiyahan, ito’y isang proletaryong kagalakan at kaluguran na kolektibong nararanasan ng mamamayan. Ito’y pagsusulat ng kasaysayan. Ito’y mapagtimbuwal na kasiyahang naglalayong lahat ng tao, balang araw, ay maging masaya at maginhawa.

 

Oktubre 5, 2011

Posted in: Budget Cut, Diliman