Wakas ng Dahas: Pahayag ng CONTEND para sa Katarungan para kay Lordei Hina

Posted on February 7, 2012

1


contend

WAKAS NG DAHAS

(PAHAYAG NG CONTEND PARA SA KATARUNGAN KAY LORDEI HINA)

Hindi eksepsyon ang pamantasan sa krimen at karahasan subalit maaari itong maiwasan at mapigilan. Dahil nililikha ng estado ang imahen ng kaayusan at kaligtasan, kapag may nangyaring hindi inaasahan, agad na nagugulantang ang karamihan at saka lamang nararamdaman ang takot at traumang hatid nito. Sinisikap ng estado na gawing manhid ang ating pakiramdam sa ganitong mga pangyayari, subalit kung tutuusin, laging may nangyayaring krimen at karahasan kahit hindi natin ito namamalayan.

Kilala si Lordei Hina bilang isang aktibistang estudyante ng U.P. Diliman at nagsusulong ng karapatang pantao. Siya ay ang pangkalahatang kalihim ng Center for Nationalist Studies sa UP Diliman. Hindi matatawaran ang kaniyang dedikasyon na suriin ang lipunan gamit ang praktika ng pagiging Iskolar ng Bayan.  Dahil sa nangyaring krimen kung saan siya ay marahas na naging biktima, ipinapakita na maging ang mga tagapagtaguyod ng karapatan at kagalingan ng mamamayan ay hindi ligtas at kung tutuusi’y mas di malayong makaranas ng ganitong uri ng dahas. Hindi eksepsyon ang pamantasan sa mga karahasang nangyayari sa ating lipunan. Gayunman, isa itong matibay na lunan upang suriin ang iba’t ibang akto ng karahasan sapagkat dito hinuhubog ang mga mamamayang marapat mangalaga sa kapakanan at kaayusang nagsisilbi sa higit na nakararami.

Ilang ulit na bang naging biktima ang Iskolar ng Bayan ng karahasan? Hindi pa rin nabibigyan ng katarungan hanggang sa ngayon ang nangyaring pandurukot at pagka-desaparecido nina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan. Hanggang sa kasalukuyan ay nakapiit pa rin si Maricon Montajes, isang film major ng College of Mass Communications sa Batangas Provincial Jail dahil sa mga gawa-gawang kaso sa kanya ng mga militar. Maging ang mga kabataang-estudyanteng lumahok sa Occupy Mendiola ay nakaranas nang pandarahas sa mismong ahensiya ng pulisya. Kahit ang mga lider-estudyanteng nakiisa sa mga maralitang tagalunsod ng Barangay Jose Corazon de Jesus ay ipiniit dahil sa kanilang pagtatanggol sa kapakanan at kagalingan ng mga inaapi sa lipunan. Napabalita din ang tatlong mag-aaral ng College of Social Work and Community Development ng UP Diliman na nakaranas ng pisikal at berbal na pandarahas ng mga militar  habang nagfi-fieldwork sa Porac, Pampanga. Hindi na bago na ang mismong nagsusulong ng kapakanan ng mga inaapi ang siyang nagiging biktima, ng estado man o ng masasamang elemento sa lipunan.

Sa halip na matakot ang mga Iskolar ng Bayan at iba pang sektor sa pamantasan, mas dapat na maging mapagmatyag at higpitan ang paninindigang dapat proteksyunan ang kapakanan ng mga mag-aaral, kawani at guro sa loob ng pamantasan. Habang isinasagawa ito, hindi rin dapat iwaglit sa kamalayan na araw-araw ay may nangyayaring karahasan lalo na sa labas ng pamantasan. May pansamantalang hatid na pakiramdam ng kaligtasan ang pananatili sa loob ng paaralan,  subalit ang mismong parametro ng seguridad ay sintomas ng mga pagbabanta at higit na mapanganib.  Sa mga pagkakataong naliligalig tayo sanhi ng mga hindi inaasahang karahasan, isaisip na magpapatuloy ang ganitong mga pangyayari hangga’t hindi nagbabago ang estadong mapanupil at sistemang panlipunang kumakandili sa mararahas na puwersa at entidad. Kailangan ba ng ganitong uri ng krimen sa pamantasan para maisip na kailangan ngang labanan ang karahasan?

Marapat na panagutin ang maysala at habulin ang iba pang nakipagsabwatan sa karahasan na dinanas ni Lordei. Bilisan at pag-ibayuhin ang isang mahusay na imbestigasyon tungo sa ikalulutas ng kaso na hindi isinasangkalan ang integridad at kredibilidad ng mga ebidensiya at saksi sa krimen. Ang traumatikong karanasang ito’y marapat na magsilbing bahagi ng solusyon ng kaso at iba pang anyo ng karahasang umiigpaw sa lente ng seguridad lamang at nakapaloob sa kahirapan at korapsyon sa bansa.  Kailangang pamunuan ng administrasyon ng U.P. ang pagtatanggol sa mga naging biktima ng karahasan, lalo na kung ito ay nanggaling sa kanyang hanay na nagsasabuhay ng diwa ng pagiging Iskolar ng Bayan.

Sa halip na matakot o takutin ang sarili sa nangyaring krimen, kailangang higit pang palakasin ang kolektibong aksyon ng iba’t ibang sektor ng pamantasan upang hindi muling mangyari ang isang marahas na krimen.

Panagutin ang mga maysala!

Hustisya kay Lordei Hina!

Posted in: Uncategorized